Inamin ni Sen. Lito Lapid na sa kabila ng kaniyang edad at pagiging pulitiko ay binabalik-balikan at hindi niya pa rin maiwan ang pag-arte sa harap ng kamera.
Ayon sa beteranong actor-politician, kahit na abala siya sa pagiging mambabatas ay gustong-gusto pa rin niya ang lumabas sa mga pelikula at telebisyon.
“Kasi, ‘yun ang binuhay ko… hindi naman talaga ako pulitiko, e. Unang-una, hindi naman ako nag-aral. High school lang ako,” anang senador sa panayam ng PEP.

Dahil umano dito ay pinayuhan niya ang kaniyang panganay na anak na si Mark Lapid na mag-aral nang mag-aral.
“Sabi ko sa kanya, ‘Ipaghiganti mo ako, mag-aral ka,” bahagi pa ng action star na sumikat sa mga pelikulang ‘Ang Pagbabalik ni Leon Guerrro’, Julio Valiente, Zigomar, Tatlong Baraha’, Isaac, dugo ni Abraham, at marami pang iba noong dekada 80.
Inamin rin ni Lapid na kahit senador na siya ngayon ay nakararanas pa rin ng ‘pambu-bully’ dahil sa kawalan ng tinapos na kurso.

“Palagi akong inaapi dahil hindi ako nag-aral, ‘di ba? Kahit senator na ako, ‘yun pa rin ang sinasabi sa akin. Parang wala akong alam, ‘yun ang tingin nila sa akin,” pagbabahagi ni Lapid.
Gayunpaman, hindi na lang daw niya ito pinapatulan dahil totoo naman talaga na kulang siya sa pinag-aralan.
“Totoo naman ang sinasabi nila na hindi ako nakapag-aral. Ano ang magagawa ko, anak ako ng labandera? Hindi ako kayang pag-aralin ng nanay ko,” saad ng mambabatas.

“Siguro ‘yung nagsasabi nun, naiinggit. Narating ko ang ganito kahit hindi naman ako nakapag-aral. Kasi, mahal ako ng Panginoon. Hindi ko na lang nga pinapansin,” wika pa nito.
Nilinaw naman ni Sen. Lapid na hindi siya nakararanas ng ‘pang-aapi’ mula sa kaniyang mga kapwa-senador kahit pa karamihan sa kanila ay nakatapos at may mataas na pinag-aralan.
Samantala, pinag-iisipan na rin umano niyang magretiro sa pagiging pulitiko at hindi na tumakbo pa sa mga darating na halalan.

Bago maging senador, si Lapid ay nagsilbi ring bise-gobernador at gobernador ng lalawigan ng Pampanga.
Samantala, muli siyang mapapanood sa telebisyon sa bagong teleserye ng Kapamilya network na ‘FPJ’s Batang Quiapo’ na muling pagbibidahan ni Coco Martin.